Tuesday, November 9

AKTIBISO SA PANAHON NI AQUINO | NI KA Emil Makabuluhan

aktibista ka ba? kung ang maikli mong sagot ay oo. maikli rin ang kasunod kong tanong: bakit?

ano pa ba ang lugar ng aktibismo kung popular na ang Pangulo? bakit kailangan pang dalhn ang iyong isyu sa lansangan kung mayroon daw pamahalaang handang makinig sa karaingan ng mamamayan?

kung estudyante ka't patuloy na pakikibaka ng iyong magulang an pagbabayad ng matrikula, hindi ba't dapat na tutukan mo na lang ang iyong mga gawain sa paaralan? kung nagtatrabaho ka na, hindi ba't nararapat na unahin mo an pangangailangan ng iyong pamilya? aksaya lang daw an pagkilos dahil ang pagbabago'y narito na, salamat sa ating mga balota.

 may konteksto ang bawat pagkilos at ang pagkontra'y hindi na raw angkop sa panahon ngayon. wala na raw tayo sa dekada 70 kung saan namamayani ang diktadura ni dating Panulong Ferdinand Marcos. tapos na ang tiwaling administrasyon nina dating Pangulo Erap Estrada (1998-2001) at Gloria Macapagal-Arroyo. nabubuhay na daw tayo sa daang matuwid, salamat kay Pangulong Noynoy Aquino.

panahon na raw para itago ang mga plakard. biro nga ng iba, dapat na nga raw sunugin ang mga ito tulad ng sanlaksang effigy ng nakaraan. panahon na raw para sa naiibang pagbabago. lipas na kasi ang aktibismo.

ano ngayon ng patuloy ang pampulitika na pamamaslang? ang 16 na aktibistang pinatay mula nung manungkulan si Pangulong Aquino ay kagagawan hindi ng huli kund ng nais mapabagsak sa admistrasyon niya. ay nagsasabi pangang kagagawan ito ng mga komunista.

ano ngayon ung patuloy na nakakulon ang tinaguriang MORONG 43? pinag-aaralan naman daw ang kaso nila, at inuuna lamang ang grupon MAGDALO na bigyan ng amnestiya.

ano ngayon kung may planong pagliit ng alokasyon sa pabansang badyet  sa 2011 para sa state universities and colleges (SUCs)? Malinaw sa mga datos na tumaas naman ang badyet para sa elementarya’t hayskul kaya prayoridad pa rin daw ng administrasyong Aquino ang edukasyon.

Oo, nariyan pa rin ang mga problema ng bayan pero unti-unti naman daw natutugunan ang mga ito. Kailangan lang nating habaan ang ating pasensiya. Wala pa raw isang taon ang bagong pamahalaan kaya walang karapatan ang mga kumokontrang maghusga.

Ang popularidad ba ni Pangulong Aquino ay pangunahing salik sa pananahimik? Kailangang isakonteksto natin ang napaulat na +60 net satisfaction rating ni Pangulong Aquino noong Setyembre 2010. Nagsisimula pa lang siyang manungkulan at normal para sa bagong Pangulong bigyan ng mataas na kumpiyansa ng nakararaming mamamayan. Basahing mabuti ang datos mula sa Social Weather Stations (SWS): “For comparison, the initial net satisfaction ratings obtained by past presidents were: Pres. Cory Aquino, +53 in March 1986; Pres. (Fidel) Ramos, +66 in September 1992; Pres. Estrada, +60 in September 1998; and Pres. Arroyo, +24 in March 2001, and +26 in June 2004.” Malinaw na kung iuugnay sa inisyal na grado ng mga dating Pangulo, lumalabas pa ngang si Ramos ang may pinakamataas na net satisfaction rating mula noong 1986. Kahit ang pinatalsik na si Estrada’y may kaparehong net satisfaction rating sa kasalukuyang Pangulo! 

Kahit wala pang isang taon si Pangulong Aquino, sapat na ang unang 100 araw niya mula Hulyo 1 hanggang Oktubre 8 para magkaroon ng ideya sa pangkabuuang direksiyon ng kanyang pamamahala. Ang sinasabing “daang matuwid” ay tungo sa globalistang hangarin. 

Oo, walang masama sa globalisasyon, kung ikaw ay nabibilang sa nakatataas na uri ng ating lipunan. Pero malinaw sa napakaraming pag-aaral ang negatibong epekto ng globalisasyon sa mahihirap – kawalan ng subsidyo mula sa gobyerno, maliit na suweldo, kawalan ng kaseguruhan sa trabaho, pagbaha ng mga imported na produkto, pagpatay sa agrikultural na produksyon. Napakahaba ng listahan ng masamang kahihinatnan, pero pilit na sinasagot ito ng mga nasa kapangyarihan sa pamamagitan ng isang teknikal na termino – safety nets

Simple lang naman ang lohika ng safety nets sa konteksto ng globalisasyon. Maaaring masagasaan ang interes ng mga manggagawa, magsasaka at iba pang sektor basta’t siguraduhin lang na mabibigyan sila ng alternatibong kabuhayan. Sa unang tingin, walang masama rito. Pero katulad ng relokasyon sa mga maralitang tagalungsod na biktima ng demolisyon, hindi isinasaalang-alang ang kalagayan ng mga nasagasaan dahil sila ay napupunta sa sitwasyon ng kawalan.

Ang ganitong linya ng argumento ng gobyerno’y makikita rin sa planong pagpapatuloy ng Oplan Bantay Laya (OBL) na siyang ugat, ayon sa mga aktibista, ng paglabag sa karapatang pantao tulad ng pulitikal na pamamaslang at walang-batayang pag-aaresto’t pagpapakulong. Ano ba ang sabi ng mga nasa kapangyarihan? Sa ilalim ng administrasyong Aquino, ang ipinapatupad ng militar diumano ay isang counter-insurgency program na ginagalang ang karapatang pantao. Paano kaya ipapatupad ito? Kung gagamit ng isang salita sa wikang Ingles, hindi ba’t ito ay isang oxymoron? 

Kung babalikan ang prinsipyo ng globalisasyon, halatang-halata rin ang balangkas ng pribatisasyon sa paliwanag ng pamahalaan kung bakit mababa ang badyet sa SUCs. Hindi raw tulad ng mga paaralan sa elementarya’t hayskul, makakaya raw kasi ng SUCs na pataasin ang kanyang kita sa iba pang paraan. Alam mo na ang tinutukoy ng mga nasa kapangyarihan – pagtataas ng matrikula, pagpaparenta ng mga pasilidad sa mga negosyante at iba pang moda ng komersiyalisasyon ng edukasyon.


Aktibista ka ba? Sa panahon ng diumanong daang matuwid, hindi lang maikling sagot na oo ang dapat ibigay. Kailangan ang mahabang paliwanag kung bakit ang pagkilos ay patuloy na may saysay.
  

No comments:

Post a Comment